Kasabay daw sa pagtanda ng tao ang pagiging marunong n'ya. Isa sa mga katanggap-tanggap na kaisipian ng anumang sibilisasyon na nagkakaroon ng dunong o "wisdom" ang tao habang nadadagdagan ang araw na inilalagi n'ya sa mundo. At dahil nadagdagan nanaman ang bilang sa edad ko, naisipan kong pagsama-samahin ang mga bagay na natutunan ko mula nang namulat ang isip ko sa katotohanang imposibleng maging miyembro ako ng Ghost Fighter.
'Eto ang sarili kong version ng "21 Virtues" na naglalayong ipahayag sa iba ang pinaka-mahahalagang aral na natutunan ng isang tao pagdating nya ng edad na 21. Pero dahil sa madaming kadahilanan, hindi ko ito nagawa nung 21st birthday ko. Mas mabuti narin siguro 'to at least nagkaro'n pa ako ng free pang dalawang virtues.
(Ang mga sumusunod ay wala sa chronological order kung kailan ko sila natutunan.)
1. Malaki ang naitutulong ng pagdadasal. Sa maraming pagkakataong inisip kong wala nang pag-asa at mukhang magulo ang lahat, nagiging maayos ang magulo kapag tinatawag ko S'ya. Hindi ko rin maipaliwanag kung paanong eksaktong nagiging ganun. Pero kapag binigay ko na sa Kanya ang problema ko, hindi nangyayari ang mga masasamang bagay na inaasahan kong mangyari.
2. Malaki ang naitutulong ng mga kaibigan. Mahirap makahanap ng mga kaibigang parating nand'yan kapag kailangan mo sila, pero mas mahirap makahanap ng kaibigang nand'yan padin kahit hindi mo naman sila kailangan. Peroang pinakamahirap hanapin eh yung mga kaibigang magpapamukha sayo'ng kailangan mo sila sa panahong akala mo kaya mong mag-isa at iniisip mong hindi mo sila kailangang lahat. Maswerte ako dahil lahat ng 'yan meron ako... Kung hindi ka ba naman minamalas.
3. Masarap maligo nang maligamgam na tubig kahit tanghaling tapat. Nakakawala kasi ng stress saka pakiramdam ko nainitan na ako sa banyo kaya hindi na ako masyadong naiinitan sa labas ng bahay. Mas nakakalambot din ng balat ang paliligo ng maligamgam... pero gawa-gawa ko lang 'yan. No approved therapeutic claims.
4. Lahat p'wede kang iwan maliban ng pamilya mo. Naniniwala akong kaya mong iwanan ang pamilya mo pero sila hindi ka nila matitiis na iwanang mag-isa kahit kailan. At naniniwala din akong ang salitang "pamilya" ay hindi lang tumutukoy sa mga kamag-anak mo.
5. Iwasan ang softdrinks. Bukod sa isa sa mga pinamana sa'kin ng lahi namin ang malaking posibilidad na magkakaro'n ako ng diabetes, hindi ko rin gusto ang epekto sa'kin ng softdrinks. Dighay kasi ako ng dighay at nasisira ang diskarte ng t'yan ko sa pagtunaw ng kinain ko 'pag naparami ako ng inom.
6. Ang pagiging masaya ay isang pansariling desisyon. Maraming beses nang idinepende ko ang "happyness" ko sa ibang tao. Pero sa karamihan ng mga pag kakataong 'yon, nauuwi lang ako sa pagiging "depressed". Naniniwala akong kaya mong maging masaya sa kahit anong oras na gusto mo at ang paniniwalang nakadepende sa isang tao ang kaligayahan mo ay isang malaking batong ipupukpok mo sa hinlalaki mo sa paa. Bakit? Dahil hindi mo kailanman kayang kontrolin ang nararamdaman ng ibang tao para sa'yo pero kayang-kaya mong mag-isip ng masasayang bagay para sa sarili mo.
7. Hindi lahat ng nakikita ay totoo at hindi lahat ng totoo ay nakikita. Usong-uso na kasi ngayon ang special effects. Kahit itsura na ng tao p'wede nang i-edit digitally. Madaming beses na kasing inisip ko na mas magiging masaya ako kung magiging kamukha ko si ganito o magiging kapareho ko ng katawan si ganyan. Pero nung nalaman kong kagagawan pala ni Belo o ni Calayan ang karamihan sa mga kinaiinggitan ko, napadalawang isip na ako kung dapat ba talaga akong mainggit sa kanila. Tutal meron naman akong pamatay na ABS (A Big Stomach) at naniniwala ako sa "Quality over quantity" - One big ab is better than six small ones.
8. Ang pagpapatawad ay isang pangangailangan at hindi kagustuhan lang. Natural lang na kailangang gustuhin mo munang magpatawad bago mo ito magawa pero darating ang panahon na kailangan mo na itong gawin. Nakakatulong kasi 'to sa'yo at sa taong nakasakit sa'yo. Sa tingin ko, isa sa mga dahilan kung bakit nahihirapan tayong magpatawad ay dahil iniisp nating tayo lang ang nasaktan sa nangyari.
9. Nakakawala ng depression ang pagkain ng tsokolate. Napag-alaman kasi ng mga siyentipiko na ang tsokolate ay nagtataglay ng phenylethylamine na mas kilala sa sa tawag na "happy chemical". Ito ang chemical na nilalabas ng utak natin sa tuwing masaya tayo. Pero mas nakakawala ng depression ang chocolate kapag binigay ito sa'yo at hindi binili ng sarili mong pera.
10. Optional lang ang pagiging malungkot. Aaminin kong masarap talaga maging malungkot. Lalo na 'pag awang-awa ka na sa sarili mo at pakiramdam mo eh pinagtutulungan ka na ng lahat ng tao sa mundo. Masarap kasi magmukmok sa kwarto at makinig ng malulungkot na sounds. Sa dami ng mga pagkakataong nalungkot ako, natutunan kong maging malungkot sa pinaka-maikling panahon na hindi ako nagiging superficial. Sa tingin ko kasi pwede mong i-uncheck ang "sad checkbox" sa parehong paraan na required piliin ang "pwede kang maging masaya radio button".
11. Karamihan sa mga problema mo eh guni-guni lang. Minsan iniisip ko na sa dami ng problema ko, parang nakakatamad nang gumising sa umaga para isipin ulit kung ano ang magiging solusyon ko para sa kanila. Pero natutunan ko ang isang technique kung pano mo malalaman na guni-guni mo lang ang pag-iisip na madmi kang problema. Pa'no? I-enumerate mo sila. Minsan sinusulat ko yung mga problema ko sa papel at nakakawala ng bigat ng loob kapag nakita mong hindi naman pala sila ganun kadami. Natutunan ko na ding burahin sa listahan ng enumerated problems ko ang kawalan ko ng load sa cellphone.
12. Ikaw ang driver ng buhay mo. Ikaw ang may hawak ng sarili mong manibela at sa oras na hinayaan mo ang ibang tao na magpatakbo ng sasakyan mo, hindi mo mamamalayang naliligaw ka na pala at mahihirapan ka nang makabalik sa gusto mong daanan. Ayos lang na mabangga ka, maubusan ng gas, o ma-flat ang gulong mo paminsan-minsan kasi normal lang 'yan. Ang importante, marunong kang i-mekaniko ang sasakyan mo. 'Wag mo ding kakalimutang hindi ikaw ang may-ari n'yang dina-drive mo. Hiniram mo lang 'yan sa Kanya kaya dapat lang na matuto kang mag-ingat.
13. Nakakatuwang manood ng Spongbob Squarepants. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, gumagaan ang pakiramdam ko kapag nanonood ako ng spongebob. Siguro dahil maaliwalas parati ang kapaligiran ni Sponegebob, o dahil natutuwa ako sa ka-simplehan ni Patrick. Binilang ko na ang Spongebob Squarepants na isa sa mga "comfort show" ko. Full force na kapag nanonood ako nun habang kumakain ng Nagaraya na alam ng karamihan na "comfort food" ko.
14. Patience is a virtue. Aminado akong isa ako sa pinaka-mainiping tao paminsan-minsan lalo na 'pag dating sa oras. Nakaka-inis kasi mag-intay sa pila, mag-intay ng kaibigan mong isang oras late, mag-intay matapos yung nasa loob ng CR dahil hindi mo na kayang pigilin ang nagpupumiglas mong sama ng loob. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon eh kailangan nating mainis kapag naghihintay tayo. Naniniwala kasi akong dadating ang tamang pagkakataon sa tamang panahon. Totoo kasing may mga bagay kasing habang tumatagal, lalong sumasarap.
15. Lahat ay may katapusan. Napaka-lawak nitong konseptong ito pero natutunan ko mula dito ang katotohanang may mga taong dadating at aalis sa buhay mo. Isa na yata sa pinaka-mahirap na pakiramdam sa mundo ang pagtanggap na iiwanan ka ng taong ayaw mong iwan. Dahil din dito kaya ko natutunang bumitaw sa mga bagay na kailangan kong bitawan. Dahil alam kong kahit lahat ay may katapusan, ang bawat katapusan naman ay isa ring simula.
16. Masarap maging talunan. Walang tatalo sa pakiramdam ng pagkapanalo pero minsan mas masarap matalo lalo na 'pag nakita mong marami kang napasayang tao sa pagkatalo mo. Naniniwala kasi akong hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mong lumaban at hindi sa lahat ng laban at kailangan mong manalo.
17. Hindi lang lobo ang pumuputok. Lahat ng sobra , masama. Natutunan ko 'to nung minsang akala ko puputok ang t'yan ko dahil sa dami ng nakain ko. Minsan kasi hindi nagkakaintindihan ang t'yan at bibig ko kaya kahit ayaw na ng t'yan ko, gusto pa din ng bibig ko. At walang naidudulot na maganda ang hindi nila pagkakaunawaan.
18. Worry is a misuse of imagination. Isa na yata 'to sa mga aral na pinaka-nahirapan akong matutunan. Mas nauna ko kasing na-master ang nasa number 19 kaysa dito. Pero isang malaking KALAYAAN ang pag-iwas sa pag-aalala lalo na kapag napatunayan mong mali ang basehan mo ng pag-aalala at nag-eexagerate lang ang utak mong OA.
19. Gamitin ang utak... sa parehong paraan ng paggamit mo ng puso. Isa sa mga ipinagpapasalamat kong natutunan ko sa pagiging isang student leader ang pagiging critical thinker. 'Yung tipong mag-iisip ka ng isandaang posibilidad na pwedeng mangyari dahil sa isang desisyon para maging handa ang sarili mong maghanap ng iba pang paraan para maiwasan ang parating na problema.
20. Huwag magpagamit sa cellphone. Nu'ng una kasi ginagamit ko ang cellphone pero habang tumatagal nag-iiba na ang ihip ng hangin at napapansin kong ako na ang ginagamit ng cellphone. Dumating kasi ang pagkakataon na hindi ko na mabitiwan ang cellphone ko at sa tuwing makakarinig ako ng message alert tone, tinitignan ko ang cellphone ko. Nakakadagdag din ng depression ang cellphone. Dati kasi kahit madaming nagtetext sa'kin pero hindi nagtetext yung taong gusto kong magtext sa'kin, pakiramdam ko mag-isa ako sa mundo. Madami pang ibang bagay na mas mabuting pagkaabalahan ng mga daliri kaysa sa pagpindot ng keypad.
21. Importanteng magbasa ng libro. Sabi ng paborito kong author na si Bob Ong, wala nang mas nakakaawa pa sa isang taong literado pero hindi nagbabasa. Madami kasi akong kilalang walang panahong magbasa ng libro. Hindi naman nakakatamad magbasa ng libro, nakakapagod nga ang pagbabasa dahil nararamdaman ng utak mo kung anuman ang nababasa mo. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ayaw kong magbasa ng mga librong tungkol sa takbuhan o habulan. Ayaw ko din magbasa ng E-book. Conventional reader kasi ako kaya mas nararamdaman kong nagbabasa ako kapag hawak ko sa kamay ko ang libro at dinidilaan ko ang daliri ko para ilipat ang mga pahina nito.
22. Hindi lahat nabibili ng pera. Importante ang pera para mabuhay pero hindi sa lahat ng pagkakataon magagamit mo ang pera para makuha ang gusto mo. Pero hindi ko sinasabing ayaw ko ng pera. Hindi nabibili ng pera ang pagtawa ng malakas pero kailangan mo ng pera para makipagkita sa mga kaibigan mo na nagpapatawa sayo ng malakas. Hindi rin nabibili ng pera ang kilig na nararamdaman mo 'pag nakikita mo ang crush mo pero kailangan mo ng pera para magpa-cute sa kanya.
23. Yesterday ended last night. Hindi mo na maibabalik ang oras na lumipas na. Kung may nagawa kang mali kahapon, hindi mo na mabagao yun. Ang importante, may natutunan ka sa maling nagawa mo para maiwasang maulit yun. Kung pipilitin mo namang baguhin ang mga bagay na nagawa mo na, habambuhay ka nalang maghahabol ng oras at hindi mo na ma-eenjoy kung anong meron ka ngayon.
Sa totoo lang, madami pa akong natutunang hindi ko na naisulat sa itaas. Araw-araw kasi may mga bago akong natutunan sa buhay, kapaki-pakinabang man o hindi. Naniniwala kasi akong hindi kailanman tumitigil ang proseso ng pagkatuto ng isang tao. kahit sa simpleng pagbabasa lang ng mga tweet ni Borat eh may mapupulot ka nang aral na habambuhay mong iisipin kung saan mo ito pwede i-apply.
Gusto kong pasalamatan ang lahat ng taong nagturo sa'kin ng lahat ng nalalaman ko ngayon. Kilala ko man o hindi, hindi mo man alam na may naituro ka sa'kin, pinapasalamatan pa din kita.
Ang post na ito ay isinulat din upang pasalamatan ang mga taong nakasama, nakisama, nakitawa, tinawanan, iniyakan, nakiiyak, nakiramay, dinamayan, nasaktan, sinaktan, at sinamahan ako sa mula pa noon... hindi man ako maging miyembro ng Ghost Fighter, feeling ko may Ray-Gun padin ako basta't nand'yan kayo.
=)
-e
No comments:
Post a Comment