"Nagkakaro'n ng simula sa bawat wakas."
Isa na yata sa pinaka-mahirap na pakiramdam sa mundo (maliban sa LBM, na meron ako ngayon) ang wakasan ang isang bagay na pinagtuunan mo ng madaming oras at naging isang malaking parte ng buhay mo. Iba-iba man ang itsura, kulay o paraan, hindi pa rin madali ang mawala sayo ang isang bagay lalo na kapag alam mong wala nang balikan at alam mong isa lang ang kababagsakan nila sa buhay mo... ang ala-ala.
Dahil d'yan, naisipan kong pagsama-samahin ang mga paraan ng pag-"move on" mula sa isang estado na mahirap kumawala - ang nakakamatay, nakaka-stress, nakaka-drain na kalungkutan bilang paggunita na din sa araw ng mga kaluluwang tinatakot ako sa gabi.
(Hayaan mong ipaliwanag ko ang mga sumusunod nang hindi masyadong nagmumukhang payo ni Kuya Eddie o nagtutunog Horoscope ni Madame Auring ang mga sinasabi ko.)
Sa umpisa, bigay-hilig muna. Hayaan mo muna ang sarili mong malungkot. Wala naman sa batas ang bawal maging emo paminsan-minsan. Dapat kasi alamin mo muna kung ano talaga ang nararamdaman mo - kung nalulungkot ka ba, nagagalit, nanghihinayang, o constipated ka lang talaga. Mahalagang pangalanan mo ang pakiramdam na yun bago ka makapunta sa isang mas mabuting lugar (maliban sa langit). Depende sa dahilan ng kalungkutan kung hanggang kailan ka dapat malungkot. Kung nawalan ka ng cellphone dahil inarbor ng isang taong hindi mo kilala habang naglalakad ka sa kanto, tama na ang isang gabing pagluha. Kung namatayan ka ng alagang aso, nalunod ito sa baha dahil nalimutan mong pakawalan s'ya sa kulungan nung bagyong Ondoy, ipagluksa mo s'ya ng mga isang buwan o hanggang humupa ang baha sa bahay n'yo. Kung iniwan ka naman ng mahal mo dahil na-realize n'yang mas mahal talaga n'ya si Keanu Reeves kesa sayo, dapat malungkot ka lang ng limang minuto. Sino ba naman kasing abnormal ang ipagpapalit ka lang sa isang taong nagpapalayas ng demonyo habang naninigarilyo at naka-shades habang nakikipag-taguan sa mga pugitang pangkalawakan?
Kapag nalaman mo nang tama na ang pagiging "emo" mo, simulan mo namang patawarin ang sarili mo. Hindi totoong dapat patawarin mo muna ang taong nanakit sayo, imposible kasi yun sa umpisa. Tanggapin mo muna na ginawa mo ang lahat para maiwasan ang pagkakahiwalay n'yo at wala ka nang magagawa pa para maibalik s'ya. Dapat mawala muna ang guilt feeling sa katawan mo dahil isa yang masamang espiritu na hihilain ka lang ulit sa isang lugar na magiging emo ka nanaman, gaya ng mga tagong hagdan sa SM Megamall. Isipin mo na hindi ikaw ang may kasalanan sa mga pangyayari pero 'wag mo naman 'tong ibintang sa iba. Habang pinapatawad mo ang sarili mo sa saloy ng mga healing songs ni Kris Aquino at 50 Cent, iwasan mo munang mag-isip ng ibang tao. Ikaw muna.
Kapag fully recovered ka na sa pagbibintang at pagdiin sa sarili mo, ito na ang tamang panahon na maghanap ka ng isang bagay na magpapasaya sayo. Utang na loob, 'wag ka munang makipaglandian sa iba o bumili ulit ng isa pang aso dahil ipapaalala lang nyan sayo ang masaklap mong nakaraan. Kung nakapagpapasaya sayo ang strawberry ice cream, bumili ka ng kalahating galon at hatian mo ang bestfriend mo para hindi ka naman ubuhin. Kung nagiging kumportable ka sa panonood ng sine, magmovie marathon ka. Iwasan mo lang ang mga pelikulang sobrang nakakalungkot at puro iyakan lang ang scene gaya ng mga pelikula ni Jolina. Kung nagkakaron ka ng pleasure sa pagsa-shopping, bilhin mo ang kalahati ng bazaar sa Landmark, isama mo narin ang mga hanger, sabitan ng damit, pati saleslady, maging masaya ka lang.
Simulan mo nang ibalik sa dati ang buhay mo. Simulan mo nang makinig sa mga kantang hindi mo mapakinggan dati dahil pinapaalala lang nito sayo ang mga masasakit mong sandali dahil yun ang narinig mong kanta nung una kayong nagkita o yun ang kinanta nyo sa videoke nang magkasama. Tama na ang mga panahong akala mo lahat ng kanta ginawa para sayo. Pati mga rap song ni Florida akala mo ginawa para ikwento ang buhay mo. Simulan mo nading puntahan ang mga lugar na hindi mo mapuntahan noon dahil nakikita mo pa ang mga sarili nyong nakaupo at nagkukulitan dun. Hindi pwedeng habambuhay ka nalang hindi dadaan sa Greenbelt 1 at hindi kakain sa McDo. Isuot mo na din ang mgapaborito mong damit na sinusuot mo nung nagde-date pa kayo. Bagong bili pa naman yung mga yun sayang naman kung hini mo na ulit isusuot nang dahil lang sa nagpapaalala sila ng mga masasaya nyong sandali. Gamitin mo na din ulit ang pabangong ginagamit nyo nung masayapa kayong dalawa. Alam kong isa sa pinaka nagdadala ng alaala ang pabango pero wala kang magagawa. Maaamoy at maaamoy mo din yun balang araw. Mararamdaman mong mas nagiging kumportable ka na dahil natatangap mo na ang katotohanan dahil wala ka nang iniiwasan pa. Pinapangako kong mas makabubuti sayo ang pagtanggap kesa ang pag-iwas sa mga bagay na nagpapaalala sayo sa kanya at sinisigurado ko ding hindi ko personal na ginawa ang mga nabanggit sa paragraph na ito.
May mga oras na babalik lahat sayo ang mga pakiramdam na nararamdam mo dati gaya ng pagka-miss o kaya ang kilig pero normal lang yun. Ngitian mo nalang sila. Minsan din bibigyan mo ang sarili mo ng pag-asa na baka babalik s'ya sayo o kaya magkakasama din kayo pero 'wag mo na lokohin ang sarili mo. Itigil mo na ang pag-aanalyze at pag eexpect dahil walang ibang pupuntahan yan kundi ang disappointment. Huwag ka naring mag-isip ng masama tungkol sa kanya. Gaya nga ng sabi ko, wag mong isisi sa kahit kanino ang mga pangyayari. Walang may kasalanan, hindi ikaw, hindi kahit na sino. Huwag ka narin magtirik ng itim na kandila sa tabi ng bahay nyo. Hindi naman yan makakatulong, nanakot ka lang ng mga kapit-bahay mo at baka mapagkamalan ka lang nilang mangkukulam, ipasunog ka pa sa plaza.
Be positive. Hindi lang naman ikaw ang nakakaranas nyan at hindi lang ikaw ang may pinakamalalang sitwasyon sa buhay ngayon. Kung magkakaron ka lang ng pagkakataong malaman ang kalagayan ng ibang tao, malalaman mo na maswerte ka padin pala dahil yan lang ang nangyari sayo. Magpasalamaty ka nalangdahil binigyan ka ng pagkakataong masaktan, dahil may mga taong hindi nakakadama nyan. Magpasalamat ka din sa mga pagkakataong naging masaya ka sa piling nya. Alalahanin mo nalang ang mga oras na magkasama kayo. Maulit man yun o hindi, at least nagkasama kayo at naging masaya ka. Hindi mo rin maiiwasan ang ibang tao na isipin na bitter ka padin. Hindi ka naman talaga bitter, unsweetened ka lang. Nagkakaro'n ng simula ang bawat wakas at walang ibang pwedeng gumawa ng umpisang yun kundi ikaw.
2 comments:
wow... i can relate... teka buhay ko b ito ha?! masterviajero
bongga hehehe. i can relate
Post a Comment