Naisip mo na ba kung anong kalalabasan ng mundo ‘pag walang music? Ang weird siguro kung manonood ka ng isang fashion show nang walang music. O ng dance contest na walang sounds at sasayaw lang ang mga contestant sa saliw ng palakpak ng mga tao. Aakalain ko sigurong declamation contest ang isang concert kung walang tugtog.
Malaki ang impluwensya sakin ng musika. Isa ito sa mga nagdidikta ng magiging mood ko sa araw araw. Sa katunayan, karamihan ng sinusulat ko dito sa blog ko nagiging masaya o malungkot ang “vibe” dahil sa pinakikinggan kong music habang sinusulat ko sila. Katulad na lamang nung Love Letter IX, inumpisahan ko yung isulat habang nakikinig ng masasayang kanta ni Enya, pero naging malungkot ang ending dahil nung sinusulat ko na yung paragraph para sa “YOU”, malulungkot na kanta na ng The Fray ang pinapakinggan ko. Isinulat ko naman ang “Happyness” habang pinapakinggan ang buong album ng Owl City, kaya ganun ang naging title nya.
Masasabi kong malawak ang genre ng mga pinakikinggan kong kanta. Hindi naman kasi ako nakadepende sa genre ng isang kanta para ma-appreciate ko ito. Basta maganda ang lyrics o ang melody, papasa na sa pandinig ko. Bonus na ‘pag parehong may sense ang lyrics at ang tugtog nung kanta. Pagdating sa lyrics, may mga piling singer akong paborito. Unang-una na dito si Alanis. Iniisip ko kasi na magaling na poet si Alanis at nalalapatan lang nya ng magagandang musika ang mga sinusulat nyang tula. Sa totoo lang, gusto ko ang mga kanta nya dahil sa sobrang lalim ng ibig sabihin ng lyrics nya, minsan hindi ko na maintindihan ang totoong “message” nung kanta. Saka inaayon nya sa mensahe ng kanta ang boses nya.
May mga kanta namang kahit tungkol sa pag-ibig ang tema, parating nakasigaw ang vocalist. Parang parating galit sa mundo. Kagaya ng mga bandand Slapshock at Seidi. Hindi ko akalaing magugustuhan ko ang mga kanta nila. Gusto ko ang rock pero hindi yung mga nakakatakot na rock. Dati kasi ‘pag nasa opisina ako ng Student Council, Wolfgang ang sound trip ng mga co-officers ko, Seidi naman ang pinapakinggan ng mga writers ng school publication namin sa kabilang kwarto. Noong una, pakiramdam ko bigla nalang matatanggal ang kaluluwa ko sa katawan ko at iaalay kay Taning dahil sa lyrics ng mga kanta nila. Kinalaunan nasanay na rin ang tenga ko sa mga kantang “Halik ni Hudas” at ang lahat ng kanta sa isang album ng Wolfgang at Seidi. Minsan nga inabot ako ng hanggang alas-diyes ng gabi sa student council office at tumutugtog lang ang Wolfgang sa computer nang nag-inspeksyon yung guard namin sa room. Akala daw nya may nag-iinuman sa loob ng SSC office dahil sa pinakikinggan ko. Awa ng Diyos, nasa akin pa naman ang kaluluwa ko at hindi ko pa nakikita ang dagat-dagatang apoy.
Meron namang mga kanta na habang pinakikinggan mo eh aakalain mong nasa tabi mo lang si Maria Makiling at ang mga tropa nyang wood nymphs. Masyado kasing banayad ang mga kanta ni Enya at Gregorian kaya kung hindi mo aakalaing inaalay na ang kaluluwa mo sa mga espiritu ng kagubatan, aakalain mong nasa simbahan ka at nakikinig ng choir sa loob ng St. Peter’s Basilica. Pero mabuting makinig kay Enya at sa Gregorian Chants lalo na pag pagod ka o kaya habang nagrereview ka para sa exam. “Heavenly” kasi ang pakiramdam at parang humahagod sa pagod mong utak at katawan ang saloy ng musika nila. Isang tip lang, wag mong patutugtugin sa malakas na speaker ang mga kanta ng Gregorian lalo na sa madaling araw dahil makakakita ka ng mga mata sa bintana mo. Lalo na pag naknakan ng tsismoso ang mga kapit-bahay mo, dahil aakalain nilang may nabiktima ka nanamang kaluluwa ng tao na gagawin mong bonsai.
Malawak man ang genre ng mga kantang pinakikinggan ko, hindi ko din naming sinasabing nagugustuhan ko LAHAT ng kanta. Hindi naman sa pagiging maka-kanluran ako pero piling-pili lang ang pinakikinggan kong OPM. Isa na dito ang bandang Hale na sa sobrang naging fan ako, napapirmahan ko ng autograph nilang lahat ang binili kong unang album nila. Sayang lang dahil nawawala na yung album ko nay un, pinamigay yata ng pinsan ko sa nililigawan nya. Gusto ko din si Nina, Kyla at Bitoy dahil sa boses nila at sa pagkanta nila ng live. Dinadayo ko naman sa East Wood dati tuwing Martes ng gabi ang gig ni Richard Poon. Pagkatapos ng Hale, album lang ni RP ang binili kong original na CD na OPM. Hindi kasi pangkaraniwan ang boses ni RP. Nakakakilig, nakakalungkot at nakaka-relax.
Hindi man pangkaraniwan ang boses ni April Boy Regino, hindi ko maatim na pakinggan ang mga kanta nya. Hindi ko alam kung bakit pero parang pinipilipit ang bituka ko at umiikot pabaligtad ang eye balls ko pag naririnig ko ang mga hits nya lalung-lalo n gang Yeye Bonnel (sa kasamaang palad, hindi matalo ni Enya ang tumutugtog na Yeye Bonnel sa utak ko habang sinusulat ko to ngayon). Nanginginig pati ang bone marrow ko pag naririnig ko yung kantang yun. Malas pa dahil nung college ako at naisipan naming magto-tropa na magpunta sa SM Bicutan pagkatapos ng klase, saktong may promotional mall tour dun si April Boy. At saktong-saktong pagdaan naming sa tabi ng stage nya s activity center ng mall, kinanta nya at sinayaw ng back-up dancers nya ang Yeye Bonnel. Dahil sa alam ng mga tropa ko kung gaano ko ka-“gusto” ang kantang yun, pinilit nila akong manood muna ng live performance ni April Boy. Nakatatak padin sa isip ko ang dance steps ng Yeye Bonnel at kabisado ko padin ang lyrics nito hanggang nagyon. (-_-)
Interesante ding isipin na dito sa atin sa Pinas, kahit sino pwedeng maging instant singer. Natatandaan ko pa nung nagkaron ng album si Judy Ann Santos at kinanta nya ang carrier single nitong “My Pledge of Love” sa ASAP. Lalo akong naging fan ni Juday nung marinig ko ang boses nyang mas sweet pa sa boses ni Enya. Natatandaan ko pa nung naglabas din ng album si Ruffa mae Quinto bilang soundtrack ng pelikula nyang Super B. Pagkatapos nyang kantahin ang isa sa mga kanta sa album nya nang live sa SOP, ininterview sya at ng direktor ng pelikula ni Bb. Joyce Bernal ng mga hosts ng show. Pagkatapos mag-plug ni Ruffa Mae ng album nya, sumabat si Direk Joyce Bernal ng, “Bebenta ‘yan! Si Judy Ann nga naka-platinum eh!” Kahit sino, basta may bibili ng album nya, pwedeng maging singer.
May mga banda at singer namang gusto ko dahil sa magaling na sila sumulat ng lyrics, maganda pa ang boses nila at naaapektuhan nila ang buong pagkatao ko pag naririnig ko ang mga kanta nila. Alam ng karamihan ng mga kaibigan ko na gusting-gusto ko sa Mariah Carey mula pa nung Grade 4 ako. Una ko kasing napanood ang live performance nya, concert nya yata yun sa Madison Square garden, isang gabi bago kami mag-field trip kinabukasan. Sa sobrang galing nyang bumirit at sa galing nyang ikulot ang boses nya ng live, muntik na akong ma-late sa field trip namin dahil sa puyat. Gusto ko rin ang vocal techniques ni Mariah at ang paggamit nya ng malawak nyang vocal range habang kumakanta. Madalas ko ding pinapakinggan ang The Fray dahil sa kakaibang lungkot na dala ng boses ng vocalist nitong si Isaac Slade. Sa sobrang “emo” nga ng boses nya, naging isa sa mga all-time crying song ko ang “How to Save a Life”. Sa ngayon, madalas mo ding maririnig na tumatagas sa headset ko ang mga kanta nila Luluc, Angus and Julia Stone, Owl City, at Train. Naiiyak ako sa mga soundtrack ng TV series na Grey’s Anatomy, at naiindak ako sa mga tugtugin nila Tiesto, Armin Van Buuren, at Sasha. Pinapakinggan ko din sa MySpace paminsan-minsan sina Kate Nash, Stephen Speaks, TLC at Shakira. Lalo kong nagiging crush si Avril Lavigne nang mapakinggan ko ang rendition nya ng Adia ni Sarah Mclachlan. Ginaganahan akong magtrabahao pag napapakinggan ko ang kantang Praan ni Palbasha Siddique. Pinipilit ko ding gayahin ang boses ni Darren Hayes lalung-lalo na sa kanta nyang So Beautiful, at nakikiliti ako sa kakaiba, at napaka-perpektong ungol ni Christina Aguilera sa kantang Desnudate. Ughhhhh.
Aminin mo man o hindi, magiging boring ang mundo kung walang music. Naniniwala din akong ang musika ay isang paraan ng pakikipag ugnayan natin sa isat isa. Hindi man tayo nagkakaintidihan dahil sa ibat-ibang lengguahe at dayalekto, naipaparating naman natin ang damdamin na gusto nating maiparating sa pamamagitan ng musika.
Wednesday, August 18, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
I agree. Everyone should have a soundtrack to his life. :-)
http://ficklecattle.blogspot.com/
Post a Comment