Friday, August 13, 2010

Kumpisal Ng Isang Manunulat

Sa kagustuhan kong magsulat uli sa istilong pinaka-kumportable ako, at sa kagustuhan kong magsanay para gumanda (ulit) ang sulat-kamay ko, naisipan kong gawin ang blog post gamit ang papel at ballpen. Parati ko kasing sinasabi sa sarili ko na baka kaya hindi ako masyadong successful sa pagba-blog eh dahil isa akong manunulat, hindi isang blogger. Naisulat ko naman ng maayos ang unang talatang binabasa mo ngayon. Hindi ko man naibalik ang dati kong napaka-gandang sulat-kamay (at dahil nahihirapan na akong basahin at i-type ang nakasulat sa notebook ko dito sa blogsite), natutunan ko naman ang isang napaka-importanteng aral ng buhay – Masakit sa hinlalaki at sa hintuturo ang pagsusulat kapag bagong gupit at pupod ang mga kuko mo.


Nalalaman kong tapos na akong magsulat sa parehong paraan na alam kong kuntento na ang mga daliri ko sa paggugupit ko ng kuko. Kakatapos ko lang mag-nailcut, nagkalat ang mga ginupit kong kuko at binabasa mo ang ilan sa kanila ngayon.

Isa sa mga pinaka-importanteng bagay na dapat matutunan natin bilang tao ang pagsusulat. Isa itong paraan para maiparating natin ang gusto nating sabihin sa ibang tao nang hindi gumagamit ng bibig. May mga kilala akong tao na hindi magaling magsalita, pero pag binasa mo ang mga sinulat nilang kwento o mga sanaysay, nalaman kong mas madaldal pa pala sila sa akin kung tutuusin. Para sa akin kasi, mas naipaparating kasi natin ang gusto nating sabihin sa pagsusulat kesa sa pakikipag-usap. Isa rin sa mga kapakinabangan ng pagsusulat laban sa pagsasalita ay ang kakayahan mong inspeksyunin muna ang isinulat mo bago mo ito ipabasa sa iba. Pag nagsasalita ka kasi, lahat ng sinasabi mo hindi mo na pwedeng bawiin. Hindi kayang burahin ng backspace button o ng pambura ng lapis o ng kahit anong liquid eraser ang mga bagay na nasabi mo na gamit ang bibig.

Marami naring sumikat at yumaman dahil sa pagsusulat. Si J.K Rowling na sumulat ng Harry Potter ay isa na sa mga pinaka-mayamang tao sa mundo dahil sa pagsusulat. Isa lang s’ya sa napaka-dami nang tao na naiahon ang buhay dahil lamang sa pagsusulat ng kwento. Pero hindi lang sa pagsusulat ng kung anu-anong kwento sumisikat ang isang manunulat. Isa sa mga dahilan kung bakit naging pambansang bayani ng Pilipinas si Gat. Jose Rizal ay dahil nakipag-laban s’ya gamit ang kanyang panulat. Hindi man n’ya nagawang sulatan ng “LOSER” sa noo ang mga salbaheng kastila noon, napukaw naman nya ang damdamin ng mga Pilipino upang magmalasakit sa bayan. Hinayaan nalang nya si Andres Bonifacio na tattoo-an ang mga kalaban ng “F.U.” sa batok.

Hindi man lahat ng manunulat ay sumisikat sa buong mundo, hindi rin natin masasabing hindi sila nagtagumpay. Madaling magsulat pero napaka-hirap bumuo ng isang talata. Ako, sa sarili ko, alam kong may dalawang bagay na nagiging hadlang para makatapos ako ng isang sulatin – pwedeng dahil sa sobrang kadaldalan ng utak ko, hindi ko alam kung alin sa mga sinasabi nya ang uunahin ko, at pwede ding masyadong tamad ang brain cells kong magbigay ng tamang mga salita para ipahayag ng maayos ang gusto kong iparating. Nasusukat kasi ang pagiging epektibo ng isang manunulat kung naiparating nya ng buong-buo sa mga taong nakalaang makaaalam ng mga gusto nyang sabihin. Kaya minsan, natatawa ako sa mga taong nagpo-post ng mga Japanese o Arabic o Chinese characters sa facebook. May gusto silang sabihin pero walang nakakaintindi sa kanila maliban sa mga friends nilang marunong magbasa ng niponggo, Arabic, o Chinese. Akala siguro nila cool sila ‘pag hindi naintindihan ng karamihan ang status message nila. Minsan nagmumukha lang may virus ang facebook wall ko dahil sa mga ganung status.

Para sa akin, may mas masaklap pa sa hindi pagdating ng sinulat mo sa taong sinulatan mo. Parang mas masakit pag iba ang pagkakaintindi ng taong sinulatan mo sa talagang mensahe ng sinulat mo. Kumbaga, mas ok pa sakin ang “message failed” kesa sa “message sent... however, the recipient did not understand the message”. Minsan kasi ito ang pinagsisimulan ng away lalo na sa text messaging. Iba kasi ang dating ng text na “Anong problema mo?” sa text na “Anong problema mo? (smiley)”. Posibleng akalain ng ka-text mo na naghahamon ka ng away pero ang totoo, nagke-care ka lang sa kanya at gusto mo lang malaman kung anong dinadala nya sa buhay ngayon. Minsan nga nung mga panahong depressed ako ng kunti, nagtexr ako ng “good night” sa isang kaibigan. Nag-reply naman sya ng “good night din”. Pero nang sendan ko s’ya ng “Thank you ah...”, inakala na nyang magpapakamatay na ako at nagpapaalam na ako sa kanya.

Madami ding manunulat ang “misunderstood”. Madami sa ating mga Pilipino ang “misunderstood” lalo na pag ingles na ang ginagamit na medium of writing. Sa katunayan, naglipana na sa Internet ang mga picture ng mga sinulat na “misunderstood” lang. Kagaya ng isang babala na inilagay ng grupo ng mga manggagawa sa tabi ng kalsada habang inaayos nila ang sirang daan – “Slow men working”. O ng isang nagmamalasakit na tao na naglagay ng babalang “wait faint” sa dingding na bagong pintura. O kaya naman kagaya ng kung sinuman yun na ayaw ipagamit ang ATM dahil ito ay “OOF Line”. Lalo naman yung nabasa kong karatula sa malapit sa bahay namin na naging dahilan kung bakit hindi ako masyado lumalabas ng bahay at iniiwasan ko nang mapadaan sa lugar na yun ng kalye namin. Naisip ko kasi, anong kaso ang pwede kong isampa sa taong nagsabit ng “Nanggagahasa ng Lagari” sa tapat ng bahay nya? Naniniwala akong hindi natin sinasadyang magkamali, “misunderstood” lang talaga minsan ang mga sinusulat natin.

Hindi ko na matandaan kung paano ako natutong magsulat. Alam ko kung paano ako natutuong magbasa dahil utang na loob ko sa mga komiks ang kakayahan kong magbasa bago pa man ako tumuntong sa Grade 1. Siguro kaya hindi ko na maalala kung paano ako natutong magsulat ay dahil sabay kong natutunang magsulat at mag-drawing. Dati kasi, hindi ako sigurado kung sumusulat ako ng lecture notes o nagdo-drawing lang ako sa notebook ko ng mga ancient languages. Hindi ko rin sigurado kung masyado akong magaling mag-drawing na mukhang nagsusulat lang ako ng paragraph o pangit lang ako magsulat kaya nagmumukhang abstract art ang sinusulat kong essay. Pero alam kong noon pa man, gusto ko nang maging manunulat. May bumasa man o wala ng mga sinusulat ko, ang importante, mailagay ko sa isang konkretong bagay ang laman ng utak ko. Mga bagay na pwede kong balikan kahit anong oras at ipaalala sakin kung ano ako at kung paano tumakbo ang isip ko noon. Mga bagay na magpapatunay na malinaw kong naipapahayag ang mga gusto kong sabihin gamit ang papel at ballpen, o ng keyboard at blogsite.

No comments: