Hindi ko sinasabing eksperto ako sa pag-ibig o kilalang kilala ko na ang pag-ibig. Bigla ko lang naisip na bigyan ito ng kahulugan ayon sa kung ano ang pagkaka-intindi ko dito. Gusto ko ding malaman kung mag-iiba ang pananaw ko sa pag-ibig sa hinaharap kapag binasa ko ulit ito.
Ang pag-ibig ay pandaigdigan.
Hindi lamang nananahan ang pag-ibig sa dalawang taong magsing-irog. Ang pag-ibig ay madaming mukha ngunit ang lahat ng mukhang ito ay nakikilala kaagad ng taong marunong umibig. Ang simpleng pagsunod sa batas trapiko at pag-galang sa pambansang awit ay maituturing na pag-ibig. Ang walang sawang pagpapatawad ng isang ina sa suwail n’yang anak ay maituturing na pag-ibig.
Ang pagtapik sa likod ng isang kaibigan bilang tanda ng pagdamay sa oras ng iyong kahinaan
ay maituturing na pag-ibig.
Hindi naikukulong ang pag-ibig sa iisang anyo lamang.
Hindi nasusukat ang pag-ibig.
Ang pagkukumpara kung mas madami ang pag-ibig na ibinibigay mo kesa sa pag-ibig na ibinibigay ng taong mahal mo ay katulad ng pagtatalo kung mas mabigat ba ang sampung kilo ng bulak sa sampung kilo ng pako. Hindi mo man kayang bitbitin gamit ang dalawa mong kamay ang sampung kilong bulak sa dami nito, magkasing timbang parin sila ng sampung kilong pako kahit anong gawin mo. Kagaya ng inaakala mong mas madami kang ibinibigay na pag-ibig kesa sa kanya,
ang totoo ay pantay-pantay ang lahat sa mata ng pag-ibig.
Ang pag-ibig ay hindi dapat nasusukat sa kaligayahan lamang.
Maaaring may pananaw ang ilan na ang pag-ibig at kaligayahan ay iisa ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay sa ligaya lamang nakikita ang pag-ibig. Mas nakikita ang kagitingan at katatagan ng pag-ibig sa mga pagkakataong nasasaktan ito. Walang ni isang luha ang papatak para sa isang taong hindi mo iniibig ngunit gumuguho ang buong mundo kapag nawalay sa iyo ang pag-ibig na iningatan mo kahit sandali lang.
Ang pag-ibig ay hindi nawawala.
Kagaya ng enerhiya, ang pag-ibig ay hindi naglalaho. Ito ay nagiibang-anyo lamang sa iba pang uri ng enerhiya. Ang simpleng kilig na nararamdaman mo ay nagiging tunay na pag-ibig habang lumilipas ang panahon. Ang pag-ibig ay nag-iibang anyo din bilang katahimikan ng isip. Ang pag-aaway ng magkasintahan ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng pag-ibig. Nakalulungkot mang isipin, ang pag-ibig ay nag-aanyong galit paminsan-minsan.
No comments:
Post a Comment