Wednesday, August 27, 2008

Quasi-comeback

OO, alam ko nakakatawang isipin na pinangalan kong "...daily side effects" ang blog ko pero isang beses sa isang buwan lang ako gumawa ng blog.

Ang totoo kasi, nagkaron ako ng sakit. Hindi ako makabuo o makatapos ng isang article. Hindi ko rin alam kung bakit pero sa tuwing uumpisahan kong magsulat ng isang interesanteng topic (assuming interesante talaga ang mga pinagsusulat ko dito) hindi ko matapos. Siguro meron na kong mga anim na drafts na naka-save dito sa blogspot drafts ko. Salamat sa autosaving capabilities ng blogspot at hindi ko parin matapos ang mga drafts na yun. Nagiintay lang ang mga salita dun na dumami sila.

Sa mga nakaraang linggo, marami-rami ring nangyari.

Nagkaron ako ng trabaho (dito ko nga to ginawa ngayon) pero hindi yun ang gusto kong isulat. Siguro mas magiging interesante ang mga bagay ba napapansin ko ngayong nagkaron na ako ng trabaho.

Una, hindi pala lahat ng nagtatrabaho may pera. Isa 'to sa mga unang-unang na-realize ko. kasi dati iniisip ko na 'pag may trabaho ka na, mabibili mo na yung mga gusto mong bilhin. HIndi rin pala. Natatandaan ko pa yung tinanong sakin ng teacher ko dati nung 2nd year highschool pa ako. Sabi nya, "Kung sumusweldo ka na ng one hundred thousand pesos sa isang buwan, dapat din bang mag-iba ang lifestyle mo at bumili ng mas mahal na mga gamit?". Sumagot ako ng "oo". naisip ko kasi nun kaya ka nga nagtatrabaho para makabili ng mga gusto mong bilhin (pansinin na umuulit na ang mga sinusulat ko at may posibilidad na hindi ko nanaman matapos ang "entry" na to). Hindi naging maganda ang reaksyon nya sa sagot kong yon. Sabi nya kasi kaya daw madaming hindi umaasenso dahil sa ganung pag-iisip. Siguro nga tama nun si Ma'am. Kasi ngayon, kung hindi ko pipilitin ang sarili kong magtipid, mapipilitan akong maglakad papunta at pabalik ng office namin (na hindi ko naman gagawin dahil sa madaming kadahilanan.) Tama din yung sinabi ni uncle ni Peter Parker sa kanya. Habang patuloy na nadagdagan ang mga arawna inilalagi mo sa mundo, mas madami kang dapat isipin. Eh ako pa naman yung taong masyado nang madaming iniisip na minsan sumasakit na ang gitna ng utak ko. Ang solusyon ko dito, mag-diet para masanay na konti lang ang kinakain.

Napapansin ko din na karamihan sa mga pumapasok ng opisina ng umaga ay mga bad-trip. Yung tipong hindi mo sila pwedeng tignan sa mata kasi magiging bloke ka ng asin. Hindi ko nararanasan yun kasi alas-dose ng tanghali ang pasok ko - oras na namamatay lahat ng germs sa anit ko kasi sobrang tirik ang araw. Siguro masama lang ang gising ng mga taong maaga gumigising pero umaga na din kung matulog. Yung iba may mga bitbit pang kapeng pangmayaman na sobrang tamis eh sugar rush ang dinuduot sakin pag iniinom ko, imbes na magising ako. Siguro yung iba hindi parin matanggap na pang-umaga sila. Hindi ko lang maisip kung bakit hindi nila matatanggap na pang-umaga sila. Ang solusyon ko dito, mag-shades para hindi nila pansin na sinisimangutan ko din sila.

May mga tao rin akong nakakasabay sa pagpasok na parang sarado at nakakandado ang mga pores sa balat. Dahil nga pang-tanghali ako (parang hindi natural sabihin yung "pang-tanghali") madalas pumapasok akong basa ang panyo ko sa pawis. Minsan naiisip ko kung nakatutok lang ba sa akin ang araw kaya ako lang ang pinagpapawisan. Hinahanapan ko din ng mga nakatagong aircon at electric fan yung mga taong sarado ang balat. Baka kasi uso na ang maglagay ng elesi sa damit. Sinisilip ko din ang balat ko minsan kasi baka napaglihi lang ako sa balon kaya ako lang ang parating basa sa pawis pag naiinitan. Ayoko pa naman nang pinagpapawisan. Lalo na pag may sipon ako. Hindi ko na kasi alam minsan kung anong uunahin kong punasan - pawis o sipon. kaya nga laking pasasalamat ko sa panahon ngayon kasi medyo makulimlim. Ang solusyon ko dito, wag masyado maggagagalaw para daw hindi mag-burn ng calorie at hindi pagpawisan. Magpasaranalang kaya ako ng balat? Ang mga buwaya ba pinagpapawisan?

Kape. Maraming hindi maniniwala pero 25cents lang pr cup ang kape dito sa pinapasukan ko at dahil dyan sinasamantala ko ang kape. Magsisimula na akong uminom ng kape ng ala-una ng tanghali, dalawang baso. Ang problema lang, pagdating ng 1:30, aantukin na ko. Iniisip ko tuloy kung may pampatulog yung kape dun sa vendo kaya mura. O baka hindi lang ako tinatablan ng kape. baka dapt sakin external application lang ang kape para tumalab. Yung tipong ipupunas ko sa balat ko habang mainit para magising ako. Pero hindi bagay sa amoy ng pabango ko ang amoy ng kape kaya wag nalang kasi baka mag-amoy galing sa tyan ng tao pa ako. Meron ding choco-mocha sa vendo namin 25cents lang din. Ang problema nga lang, madalas lasang tubig lang sya. Minsan hinanap ko kung may pagpipilian kung flavor mineral water o flavor chocolate yung mocha na yun eh. Sabi ni kuyang nagmemaintain nun, baka daw kasi nagbubuo buo yung powdered chocolate kaya hindi makalabas ng maayos. Pero pag matino naman ang nakuha mong mocha eh maayos naman ang lasa. Medyo matamis nga lang parang palamig. Hindi rin nakabubuti sakin ang masayadong madaming kape o mocha. Pag nakaka apat na tasa na ko ng kape, pakiramdam ko parating may mamamaalam na sa mga kakilala ko kasi parati akong nakakaramdam ng kaba. Yung tinatawag nilang "instinct" na may masamang nangyari na sa mga malalapit sayo. Parang may festival ng mga banda sa dibdib mo at puro bass ang gamit nilang tambol, gitara at torotot. Mahirap kasi hindi pwede sa katulad kong nakaupo lang ng siyam na oras ang ganun. Masama sa puso. Minsan iniisip ko na baka madalas lang magkape yung ibang manghuhula na parating kinakabahan na magugunaw na ang mundo.

Kung pipilitin kong pigain pa ng konti ang utak ko ngayon para may maidagdag pa sa pagbabalik-sulat nito baka latak nalang ang lumabas. Lasang lata na nga ng sardinas ang mga naisulat ko sa itaas ayoko nang lagyan pa ng bagoong.

Sa mga magtatanong kung bakit ganun ang title ng sinulat ko ngayon, gamitin nyo si google. Hehehe

Salamat sa pagbasa!

No comments: