Thursday, March 5, 2009

Liku-liko

Noong isang linggo, nagbakasyon kami sa La Union. Weekend lang kaya gipit sa oras dahil lahat ng kasama ay may pasok ng Lunes. Mula Makati, dumiretso kami sa Simbahan ng Manaoag bago dumiretso sa Naguilian. Ang original na plano, 'pag dating sa La Union magaalmusal lang tapos diretso na kaming Baguio. Malapit nalang naman kasi samin ang Baguio, 45 minutes lang. Pero dahil sa hindi ko kinaya ang antok, napilitan kaming Sunday nalang umakyat sa Summer Capital ng Pilipinas.

(Madaming gulay, dinuguan, native na manok, maliliit na alimasag at isa pang ulam na hindi ko alam at wala na akong balak alamin pa kung anong hayop ang sinahog dun ang nakalipas...)

Nag-alarm ako ng 5:30 ng umaga pero dahil nasa probinsya ako at pinuyat ako ng mga mala-dragon na lamok, 6:30 na ako nagising. (Wala na ang bakas ng pagod sa byahe at mga pinamili kong peanut brittle sa Baguio pero ang mga bakas ng sakmal ng mga "super lamok" eh nasa balat ko parin hanggang ngayon). Nagalmusal ng isang tasang kape na nasobrahan ko sa gatas kaya nagmukhang natapunan lang ng kulay brown na tubig at dalawang pandesal, hinatid na kami papuntang bayan kasi dun kami sasakay ng bus papuntang Baguio. Tumugtog ang theme song Voltes V sa utak ko dahil sa excitement.

Kasama ko si Mel at si Gemma. Camera, cellphone, at pitaka lang ang dala ko kasi alam kong madami akong bibitbitin pababa. Sa bus palang excited na kaming tatlo. Unti-unting lumalamig ang hangin. Unti-unti ring tumataas ang dugo sa utak namin kasi patarik ng patarik ang nakikita naming bagin sa bintana. Kahit walang sounds si Manong driver ng bus eh hindi naman boring ang byahe. Alam kasi naming kung hindi yung mukha nung leyon ang makikita namin eh mukha ni San Pedro at mga nagkakantahang anghel ang sasalubong samin. Sabi nga ni Mel dapat daw ang mga sounds ni Manong sa bus nya eh yung mga kantang makakagising sa diwa ng mga manlalakbay gaya ng Can't Cry Hard Enough, What Matters Most, Hindi Kita Malilimutan, at ang version ni Regine ng I Will Be There. Dapat din daw gumawa na kami ng last will and testament namin para malinaw kung kanino mapupunta ang mga CD namin ng Westlife, Britney Spears, Christina Aguilera, Gregorian, at Salbakuta.


Tapos, tapos na. Hehehe. Hindi naman talaga ang pagpunta sa Baguio ang highlight nitong post ko na to. Gusto ko lang ikwento yung pakiramdam na anytime pwedeng tumagilid yung bus na sinasakyan mo habang lumiliko paakyat ng bundok habang may kasalubong na malaking truck na may dalang mga bato na pwedeng tumabon sayo na magiging dahilan ng hindi pagbubukas ng "bintana" ng kabaong mo dahil gross na makita ng mga kaibigan mo na mukhang binugbog ni Chris Brown ang bangkay mo. Eeeewe.

Highlight din pala sa Baguio ang pagbili ko ng 5 kilong litsing litsugas at ang muntik nang pagkadukot ng cellphone ni Gima. Astig nga yun kasi natakot yung mandurukot sa kanya kasi may hawak syang yantok. Ibinalik sa kanya ang cellphone nya harap-harapan. Dapat binibigyan ng Oscar's ang mga gaya nyang "honest pick-pocketer". Meron din palang mga masasamang-loob at mga taong malilikot ang kamay sa Baguio. Buti nalang binili ni Gima yung yantok na 'yun na ayon kay ateng tindera ay "para sa masasamang tao". Kaya dapat parati naming dala yun para pag may nakita kaming masamang tao, o kahit mukhang masamang tao lang, patay s'ya - "Masama kang tao!" **sabay tatlong kilong pukpok ng yantok na gawa yata sa hi-breed ng Narra at Kamagong**

Pinag-uusapan narin lang ang pagpuksa sa masasamang tao sa Pilipinas gamit ang Super Yantok, nabalitaan ko kanina lang na sumakabilang-buhay na pala si Francis Magalona.

(Sandaling katahimikan para sa kanyang kaluluwa...)
(Mamaya ka na kumanta ng kaleidoscope world!)

Nakakalungkot isipin na kahit anong laban mo at kahit sinlaki ng boobs ni Keana Reeves ang pag-asa mo, kung oras mo na, oras mo na talaga. Pero hindi rin matatawaran ang katapangan at lakas ng loob ni Francis M sa paglaban nya sa sakit na Leukemia. Saludo ako sa kanya dahil bukod sa nakagawa pa s'ya ng commercial ng malamig na kape, hindi n'ya pinakita na pinanghinaan s'ya ng loob. Salamat sa mga kantang minsang nakapukaw sa damdamin ng mga kababayan natin lalung-lalo na sa mga kabataang dating insecure sa ilong ni Tom Cruise. Kung hindi siguro dahil sa kantang 'yun eh karamihan na sa atin naging kamag-anak na ni Pinocchio na santo ng mga government officials natin ngayon.


---

Matagal-tagal narin mula nung huli akong nakagawa ng matinu-tinong sulatin. Parang nagsimula ulit ako sa pagsusulat. Naalala ko kasi yung pangarap ko dati na maging writer. Naisip ko na mas madalas na akong nagsasalita ngayon kesa sa pagsusulat kaya minabuti kong subukan ulit ngayon.

"Ang hindi makabangon may nakabaon."

Wala na akong dahilan para hindi makapagsulat. Ubos na ang mga palusot ko sa sarili ko. May isang mahalaga akong natutunan:
Hindi nakatulong sa pagbabalik ng kagustuhan kong magsulat ulit ang pagvavandal sa likod ng upuan ng bus papuntang Baguio. Mas effective siguro kung sa CR sa Guadalupe mall ko gagawin 'yun.